6.12.2005

isang mahabang paliwanag sa text na walang reply...

buwan
ni mara pl. lanot

kapag ako'y namamanglaw
sa gabing maginaw
nagkukubli ako
sa kweba ng buwan.
humahagibis ang kometa,
bumabagsak ang meteor,
hindi nayayanig
ang aking kaluluwa
dahil napagdaanan ko'y
mga rebolusyon at gyera,
nakarinig na ako ng mga hiyaw
ng mga bata at babaeng ginahasa,
ng nagpapatayan na magkakapatid
dahil lamang sa ginto.

wala akong masisid na
dagat na mas malalim pa
sa aking pagkagimbal.
wala akong masilungang
puno na mas matayog
sa gumuhong tahanan
at nawasak na hardin.
wala akong mahanap na hayop
na hindi natakot
sa lambat at pana.
mistulang umaasok na kalan
sa nagngingitngit na araw
sa mundong ibabaw.
pero hindi ko maiwasang mahalin
ang tao at makilahok sa gulo
at umasa ng umasa.

kaya kailangan paminsan-minsan
mapag-isa kahit isang saglit,
sa tahimikan sa kulimlim na buwan.
hinigop ang umaalsang dagat,
ang munting sapa
at ang umaawit na ilog,
ang larawan ng talon,
ang kapangyarihan ng dilubyo,
ang tubig na simula ng buhay.

doon sa likod ng bwan,
ako matatagpuan
don ako makikilala.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home